March 30, 2010

Plano Tungo sa Pagkapanalo

Posted in Philippine Education at 2:32 pm by padabaako

Ang daming katanungan. Ang daming paraan. Pero sa dinami-rami ng mga pwedeng kasagutan at maaring pamamaraan, hindi pa rin mahanap sa mga ito ang nararapat… ang sakto sa ating nais. Parang sa pag-buo ng blog na ito; ang daming naglalaro sa aking isipan. Paano ko ba ito sisimulan? Gagawin ko ba ito, tulad ng pagsusulat sa isang diary; o di kaya, susundan ko ang pamamaraan sa paggawa ng isang talumpati? Ang hirap simulan ng isang bagay na gusto mo mabuo. Nasa isipan mo na kung ano ang nais mo, subalit di mo pa rin maisulat ng tama at ng may saysay. Lumilipad ang bawat titik, at ang bawat salita, dahilan para lumipad rin ang aking isipan. Blanko.

Ganyan din ang Edukasyon sa Pilipinas. Ang daming nakahaing pamamaraan at sistema, pero hanggang ngayon wala sa mga ito ang makapag-hatid sa kabataan ng bansang ito sa rurok ng kaalaman. Ang daming hindi nakababasa, nakabibilang, nakasusulat, nakahahawak ng aklat, nakakaupo sa maayos na upuan, nakakapasok sa maayos na silid-aralan; at iba pang pribilehiyo na dapat sana ay nararanasan ng mga mag-aaral. Ilang beses na rin tayo napabilang sa isa sa pinaka-mahina pagdating sa Agham at Matematika. Hanggang ngayon “bulok” pa rin ang katumbas na salita sa “edukasyon;” parang kahilera ng salitang “pulitika.” Bulok sa kadahilanang walang pagbabago, at kung meron mang inihahain na magandang paraan tungo sa pagbabagong inaasam natin, kadalasan binabaon o binabalewala pa natin ito. Nanlulumo ako sa mga nalaman kong problema sa institusyon na inaasahan ng marami na magiging tulay tungo sa kaunlaran, sa kasarinlan, at sa kamulatan. Kung noon, iniinda ko lamang ang mga silid-aralan na butas ang bubong; ang hindi malinis-linis na palikuran; ang lumang-luma na mga aklat; at kung anu-ano pang kakulangan sa aking paaralan; ngayon parang ang hirap lang iwasan ng isyu na tulad ng ganito. Kailangan natin imulat ang ating mga sarili upang maunawaan natin ang mga tunay na kaganapan, upang sa gayon ay makatulong tayo sa pag-aayos ng dapat maayos.

Naisip ko, ang sistema ng edukasyon sa atin ay tila ba larong Patintero. Ang mga nasa kapangyarihan ang taya, at ang mga sumusulong ng pagbabago ang tatawid at tatayain. Pilit na haharangan ng mga taya ang nais pumasok sa sistema para hindi marating ang dulo at para hindi makita ang kamalian sa sistemang ito. Tulad sa larong ito, matatalo mo lamang ang taya kung gagamitan ng pagpaplano, pagkakaisa, maayos na komunikasyon ng ka-grupo, at liksi sa pagkilos. Hindi maiiwasan na may mataya at mapabagsak pa sa lupa sa mga susubok pero laging tatandaan na laging may pag-asa hanggang may lumalaban… kahit ito man ay kaliitan. Kadalasan, sila pa ang nagpapanalo ng laro. Iyan ang nakita ko sa pag-aaral ng Philippine Education. Tingnan na lamang natin ang “unsung leaders” na mga guro na nagsusumikap isalba ang papalubog na na institusyon. Mga gurong katulad ng mga mobile teachers. Sila ang mga tumatawid sa mga ilog at naglalakad ng milya para lamang maturuan ang mga grupo na hindi nakakaranas ng edukasyong ipinangako ng gobyerno natin. Mga gurong walang humpay sa pag-iisip ng mas makakabuting sistema para umangat ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Mga gurong handang maghatid ng buong pusong serbisyo sa mga gustong matuto at kailangang matuto. Sila ang mga natitirang alas sa larong ito. Kakaunti man sila pero naniniwala ako na balang-araw, makakamit din ang panalo sa larangan ng edukasyon. Kailangan lang magtulungan, gumamit ng maayos na taktika, komunikasyon, pagkakaintindihan, pagtitiwala, pananalig at pagtanaw sa pag-asa. Laging may pag-asa para sa mga nawawalan na ng paga-asa.

-Ayne Garcia

2 Comments »

  1. updced said,

    such a brilliant original and truly Filipino metaphor


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: