August 28, 2009

Maelani- Isang Espesyal Na Bata

Posted in Philippine Education at 3:17 pm by updced

Grade Four na si Koy-koy. Kung titignan mo “sya sa malayuan, masasabi mong wala namang problema sa batang ito. ‘Yun nga lang, kahit sino ay mapapansin ang payat niyang katawan at maputlang mukha sa malapitan. At kung makakausap mo siya, lalo mo pang makikita at malalaman kung ano ang problema.

Madalas magsalita si Koy-koy nang mag-isa. Madami siyang sinasabi, napakadami. Lahat ng salita ay malinaw mong mauunawaan pero lahat din ng iyon ay masasabi mong walang katuturan; mahilig din siyang makipaglaro sa ibang mga bata. Pero pagkatapos ng ilang minuto, magsisimula siyang magsawa sa laro at makikipag-away na siya sa mga bata sa hindi malamang  mga dahilan. Sa tatlong taon naming pagtira sa aming tahanan sa Cainta, naging gawain ko na ang pagmasdan si Koy-koy. Minsan ay naaaliw ako, pero madalas ay awa ang nararamdaman ko para sakanya.

Sa kanilang walong magkakapatid, pang apat si Koy-koy. Mag-isa silang itinataguyod ng medyo may edad nang ina na hiniwalayan ng kanyang asawa. Hindi ko na siguro kailangan pang ilahad ang masalimuot na buhay ng mag-anak dahil ang sentro ng aking atensyon ay ang napaka espesyal na batang si Koy-koy.

Sa lahat ng pagkakataon na napagmasdan ko siya at sa lahat ng mga katangian na nakita ko sakanya, mayroon lang akong isang bagay na pianagtatakahan– bakit kaya takot siya sa ulan?

Hindi ko alam pero may nagtulak sa akin na alamin ang sagot  sa tanong kong ito. At laking gulat ko na ang dahilan pala ng batang si Koy-koy ay napaka simple ngunit napaka lalim– PAG-AARAL.

“Kulang-kulang yang si Koy-koy. Matalino sana pero hindi namin kayang ipasok sa espesyal school. kaya ipinasok ko nalang sa public school kahit saling-pusa lang.”, yan ang paliwanag ng kanyang ina nang minsan ko siyang naka kuwentuhan tungkol sa bata. At tungkol sa ulan, madalas daw sabihin ng kanyang ama kay Koy-koy na may dalang lason ang ulan na tutunaw sa mga batang hindi nag-aaral.

Naitanim na iyon ng bata sa kanyang isipan kaya natatakot siya sa tuwing bumubuhos ang “may lasong” ulan sapagkat alam niya na hindi siya talagang pumapasok sa paaralan upang mag-aral. Oo, pumapasok siya sa isang pampublikong paaralan ngunit naroon lang siya sa isang sirang upuan sa likuran, walang naiintindihan sa mga nangyayari sa loob ng silid-aralan, at madalas ay nagsasalita na lamang mag-isa. At kapag nagsisimula nang lumakas ang boses niya, pinagagalitan siya ng guro at pinalalabas ng silid upang hindi makagulo sa mga “normal” niyang estudyante.

Matalino si Koy-Koy. Alam na alam niya ang tunay niyang kalagayan sa kinikilala ng marami bilang “paaralan”. Nauunawaan niyang hindi siya talagang nag-aaral. Kaya ganoon na lamang ang takot niya na matutunaw siya sa tuwing bubuhos ang “mapanlasong” ulan.

Nang maunawaan ko ang dahilang ito ni Koy-koy, naging inspirado akong maging guro. At hindi man Special Education ang major na aking pinili, nasa isip ko pa rin palagi ang batang ito.

Nakakalungkot lamang isipin na karamihan sa mga estudyanteng SPED ang kinikuhang major ay pagpunta sa ibang bansa upang kumita ng mas malaking halaga ng pera ang iniisip. Nakakalungkot din na maraming mga guro ang walang konsiderasyon sa mga batang katulad ni Koy-koy; hindi nila naiintinihan na iba ang mga pangangailangan ng  batang ito. At ang pianaka nakakalungkot sa lahat, iilan lang ang mga paaralang nagbibigay ng pribilehiyong makapag-aral ang mga batang may mga kapansanan o diperensiya sa pag-iisip. At ang mga iilan pang  paaralang ito ay mga komersyalisadong institusyon na hindi kakayaning bayaran ng mga batang katulad ni Koy-koy.

Ilang libong Koy-koy pa kaya ang nagkalat sa Pilipinas at nakakaramdam ng takot sa tuwing bubuhos ang ulan? Napakadami siguro nila na maituturing na matatalino “sana” ngunit hindi kayang magbayad upang makapag-aral.

Nakakalungkot ngunit ang totoo ay isa ang isyung ito sa mga bagay na hindi masyadong binibigyang-pasin sa larangan ng edukasyon sa Pilipinas. Napaka daming mga diskusyon o argumento hinggil sa mga bagay-bagay tungkol sa edukasyon,ngunit napaka bihirang mapag-usapan ang kalagayan at kapakanan ng mga “special children” kung tawagin.

Isa lang akong tinig na umaasang mapansin din ang kalagayan at edukasyon ng mga batang Koy-koy sa Pilipinas. At umaasa rin ako na darating ang panahon na hindi na mararanasan din ni Koy-koy ang tunay na PAG-AARAL at makakamtan ang tunay na EDUKASYON. At sana, dumating ang panahon na hindi na siya matatakot na maligo, kasama ang ibang mga bata,  sa malamig na ulan.

-Maelani L. Amparo

2008-50234

1 Comment »

  1. milet2003 said,

    Mukhang may pagkakamali din ang ama sa pagsabi ng maling paniniwala kay Koy-Koy na natanim sa isip nito sa mahabang panahon. Sana ay maituwid ito ng kanyang ina upang hindi na sya matakot pa sa ulan.

    Sana nga din ay kilalanin ng maaga at mabigyang pansin ng mga magulang ang espesyal na kalagayan at mga pangangailangan ng kanilang mga espesyal na anak.

    C. Gomez
    Educ100


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: