August 27, 2009

Mirriam – Tinig ng diplomang sabi mo’y dapat makamit

Posted in Uncategorized at 9:30 pm by updced

Anim na taon sa elementarya. Apat sa hayskul. Apat sa kolehiyo. At sana makapasok sa law school. Ilan lahat? Higit kumulang sa dalawampung taon. Di pa man ako buhay nakatakda nang mamulat ako sa lipunang dinidiktahan na mapasailalim sa edukasyong magsisilbing sandata sa pagharap ng realidad. Sa pagmulat ng aking mga mata; sinundan ng pagbukas ng aking isipan, ang edukasyon ang naging pangunahing pokus. Hindi ko man agad naisip sa unang pagtapak sa eskwelahan, ang edukasyon ayon sa lipunang kinabibilangan, bagamat tila isa o dalawang dekada ka sa loob ng rehas, ay tunay na mahalaga lalo na sa komunidad na matagal nakulong sa ideyang ito bilang tanging daan sa pagkatuto. Naisip ko nga, sapat na ba ito para ako’y masabing edukado? Kung sa pagiging edukado, walang dudang oo. Subalit sa pagkatuto, bahagi lamang nito ang edukasyon na madalas para sa marami ay eskwelahan.

Naguguluhan ka ba sa kung ano ang nais kong tumbukin sa mga salitang inilapat ko sa paunang talata? Di ba’t kayhirap tukuyin sa dami ng aspetong dapat talakayin ang mensaheng nais kong iparating? Malinaw na maraming kailangang pagtibayin, linawin, baguhin, at solusyunan sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. At kung konteksto ko man ang tatanungin, ang hangad kong diploma pa rin ang nais mabigyang pansin.

Nakatuntong man ako sa kolehiyo. Iska man kung ako ay tawagin, masakit pa ring aminin na wala pa ring kasiguraduhan ang paglapat ng diplomang matagal ko ng pinagtatrabahuhan dahil na rin sa sabi ng lipunan. Ang makapasok sa national university ay isang karangalan para sa marami. Higit itong kapuri-puri dahil sa pagtustos ng mga kapwa mo Pinoy sa edukasyong ating tinatamasa. Ang pamahalaan at ang unibersidad na nagsisilbing instrumento para sa katuparan ng libreng edukasyong pinagpapapawisan ng ating mga kababayan para sa mga kabataang tulad ko. Aminin natin, marami sa atin ang tila hindi na maramdaman ang pagpasan sa ating mga iskolar ng bayan. Galing ka man sa UP o iba pang state college/university, iisa ang hinaing natin.

Ako mula sa UP at ang aking mga kapatid mula sa state college; tatlong kaming pinapag-aral ng sambayanang Pilipino. Subalit sa patuloy na pagtaas ng mga bayarin sa eskwelahan, na inaasahan sana naming hindi magiging problema ng pamilya, ay isa na rin sa pinakamabibigat na pasanin naming ngayon. Sa patuloy na pagtaas ng matrikula, pagdagdag sa mga iba pang bayarin tulad ng lab fees at miscellaneous fees, ang inaasahang pampublikong institusyon na siyang magsisilbing tahanan ng karunungan para sa mga higit na nangangailangang kabataang papasok sa kolehiyo ay higit na pumapabor sa mga ‘ika nila ay ‘afford’ ang edukasyong may kalidad.

Nanatiling tikom ang bibig ko sa mga bagay na tulad nito dahil na rin sa pagpabor sa akin ng STFAP, na nagbibigay ng financial assistance sa mga talagang nangangailanagan, ng Unibersidad ng Pilipinas. Pero paano naman ang mga mag-aaral na hindi napagbibigyan ng mga sangay na tulad nito? Nang tignan ko ang pinakahuling listahan para sa resulta ng STFAP, mabibilang mo sa iyong mga kamay ang mga taong hindi pagbabayarin ng kahit ano para sa kanilang pag-aaral. At kung titingin ka naman sa paligid, naglipana ang mga magagarang kotse at mag-aaral na talaga naming masasabi mong nakakaangat sa buhay. Tila unti-unti na ngang naisasapribado ang dapat sana’y pampublikong unibersidad ng bansa.

Hindi ko nais iparating na walang karapatan ang mga mayayaman at ‘middle class’ sa mga state universities. Iyon ay isang kapalaluan. Higit kong binibigyan ng pansin ang dapat sana’y libreng edukasyon at ang karapatan natin sa kalidad ng edukasyon.

Isang kaibigan ang ngayon ay tinatamasa ang scholarship sa Ateneo de Manila University — ang paaralang pinili niya sa kabila ng kanyang pagpasa sa UP, kanyang dahilan? Kalidad ng edukasyon at pampinasyal na kaluwagan. Sa kasalukuyang halaga ng edukasyon sa UP at ilan bang pampublikong paaralan, ang bigla at labas na pagtaas ng matrikula ang nagtutulak para sa mga potensyal na dekalibreng guro, doktor, inhinyero, abogado upang ipagpaliban muna ang pagpasok sa kolehiyo, o kaya’y pumasok sa mas maliliit na eskwelahan, o tuluyan ng ‘wag mag-aral.

Akin at ating nauunawaan na kailangan din naman gawin ang dagdag na bayad kapalit ng dekalidad na edukasyon subalit kailangan nating masusing pag-aralan kung paano ito maisasagawa. Upang lalo pang palakasin ang isang institusyon kinakailangan ito ng ‘funding’ upang maipagawa ang mga pasilidad, mapaghusay ang mga guro sa pamamagitan ng muling pagbabalik-eskwela, at marami pang iba. Gayunpaman, nananatili ang katotohanan na ang edukasyon ay isang karapatang dapat sana ay walang katapat na halaga.

Kay UP President Erlinda Roman at sa UP Board of Regents, hindi ko maunawaan kung bakit kailangan ang biglaan pagtaas ng matrikula sa unibersidad na umabot pa sa 300%. Una, bakit kailangang ganito kalaki ang itataas? Marahil ay hindi nga sapat ang suportang nakukuha natin mula sa gobyerno upang ipatupad nila ito. Subalit, bakit kailangang isang bagsakan ng pagpapahirap sa mga mag-aaral at aming mga pamilya? Sa aking personal na pananaw, tamang itaas ang mga bayarin ngunit hindi sa paraang labis na mabibigatan ang bawat isa. Kung ang mga puntong ito ay hindi sapat upang mapagbago ang desisyong ito, isang konsultasyon man lang sana sa mag-aaral ang isinagawa. Inisip ba nila na hindi lamang ang magprodyus ng mga dekalidad na ‘workforce’ ang kanilang layunin, higit dito sa kanila nakaatang ang responsibilidad na matulungan ang mas higit na nangangailangang populasyon ng mga Pilipino? Sa maaling salita, insip ba nila kung sinong populasyon ang dapat sana’y naging sabdyek ng kanilang pagdedesisyon? Nawa’y wag mabahiran ng komersalisayon ang edukasyon dahil muli ito ay karapatang hindi kailanman dapat alisin sa bawat isa.

Naisip sana ng mga taong nagtulak at nagpasinaya ng TOFI na tulad ko, tulad natin, pinangarap din nilang makamit ang diplomang matagal nilang pinaghirapan. Wag sanang ipagkait sa ating lahat lalo na sa mga maliliit na tao ang pagkakataong umunlad. Wag sanang ipagkait ang diplomang sinasabi ng lipunang mahalagang kamtan ng bawat isa. Wag sanang ipagkait ang pangarap kong makatapos ng pag-aaral at magpaaral ng katulad kong nangangailangan. Pakinggan ang tinig namin na minsa’y naging tinig niyo rin.

2007-41881

BA Psychology

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: