August 27, 2009

JAM – AKO ANG SIMULA.

Posted in Uncategorized at 1:34 pm by updced

Pagkatapos ng aking ika-18 kaarawan, marami kaagad ang nagtanong sa akin ng “nakapagparehistro ka na ba?”

Eleksyon na nga naman kasi- isang panibagong pagkakataon para sa ating mga Pilipino upang maghalal ng mga piling kandidato na sa tingin ng karamihan ay makapagpapaunlad sa ating bayan. Ano ba ang kanilang mga hakbang na gagawin upang mapagtagumpayan ang mga problemang kinakaharap ng ating bayan sa kasalukuyan? -bilang isang botante, ito ang isang basehan na dapat kong isipin kung sino nga ba ang karapat-dapat kong iboto sa susunod na halalan.

Edukasyon- isa sa mga malalaking problema na kinakaharap ngayon ng ating bansa; isang aspeto na nararapat lamang na pag-ukulan at bigyan ng pansin ng mga kakandidato upang malapatan ng wastong solusyon. Hindi ba’t nakamamanghang isipin na kabaliktaran ng lagay ng edukasyon dito sa ating bansa sa kasabihang, “Edukasyon ang susi sa tagumpay.”?

Paano nga naman natin mapagtatagumpayan ang mga naglalakihang problema tulad ng kahirapan, katiwalian, krimen at kakulangan ng hustisya dito sa ating bansa kung ang susi pala nito ay problema rin palang hinaharap natin sa kasalukuyan?

Ano pa nga ba ang kakulangan ng ating gobyerno kung bakit hindi masolusyunan ang paulit-ulit at lumalalang problema ng edukasyon dito sa Pilipinas? O mas madali na lamang bang sagutin ang tanong na, may ginagawa ba talaga silang hakbang upang bumuti ang kalagayan nito?

Kakulangan ng paaralan sa buong kapuluan ang pangunahing problema ng edukasyon dito sa ating bansa. Libo-libong kabataan ang naglalakad ng anim hanggang pitong kilometro araw-araw upang makapunta lamang sa pinakamalapit na paaralan sa kanilang lugar. Nakalulungkot isipin na napakaraming Pilipino ang dumaranas ng ganitong paghihirap araw-araw sa pag-asang dito nila makakamtan ang edukasyon na kakailanganin nila sa pagharap sa buhay sa mga darating pang mga panahon. Kasing layo rin ba ng mga paaralang ito ang pangarap ng ating kabataan na magandang kinabukasan sa hinaharap?

At sa pagtungtong sa iyong paaralan, hindi ba’t masakit isipin na sira-sirang silid-aralan at mga kagamitan lamang ang sasalubong sa iyo? Mas malala pa kung ang hinahangad mong edukasyon matapos ng iyong paglalakbay ay hindi rin pala maibibigay ng wasto dahil walang guro na maaaring maglaan sa’yo ng mga impormasyong kinakailangan mo. Kakulangan sa mga guro, silid-aralan, at kagamitan para sa mas mahusay na pag-aaral ang sumasalamin sa tunay na kalagayan ng edukasyon dito sa ating bansa.

Ano nga ba ang magagawa ng isang karaniwang taong katulad ko upang mapabuti ang estado ng edukasyon sa aking bayan? Nararapat bang iasa na lamang ang lahat sa ating gobyerno na sa mga nagdaang panahon ay walang nagawa upang masolusyunan ang mga problemang ito?

Sa darating na eleksyon, makagagawa tayo ng malaking hakbang upang mapaglabanan ang lumalalang kalagayan ng ating edukasyon- sa pamamagitan ng pagpili sa mga tamang tao na nararapat nating iboto.

Naniniwala ako na hangga’t may mga taong nagnanais na bumuti ang kalagayan ng bansa, may pag-asa pa na mapagtagumpayan ang kinakaharap nating mga problema. Sa ating mga sarili natin tayo magsimula-

AKO ANG SIMULA.

Joana Marie B. Frias

2007-02789

🙂

1 Comment »

  1. kbfranco said,

    Una sa lahat, velated hay birthday kaeskwela!=)) nagagalak ako na may katulad mong kabataan na nakakapag-isip at nagsusuri sa lipunang kanyang ginagalawan. Nais ko lang din idagdag na pagkatapos magsmiula sa sarili, dapat hindi dito natatapos, kundi may kasunod na magsasama-sama tayong lahat na mga Pilipino at sabay-sabay nagkakaisa tungo sa tunay na pagbabago. Kahit na maraming pagkakaiba, ang isang nag-uugnay sa atin ay lahat tayo’y may isang dugong nanalantay, isang lahi, isang bansa. Ang kahirapan ay nagreresulta ng problema sa edukasyon, at ang problema sa edukasyon ay lalong nagbabaon sa bansa sa atin sa kahirapan. Masalimuot, pero wala namang imposible, sa biyaya ng Panginoon, makakaya ang di kaya.-Kimberly Franco


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: